5 Rapper Na Palihim Na Tumutulong Sa Mahihirap
Naging mahirap para sa ilan ang nakaraang taon dahil sa pagpasok ng COVID19 sa ating bansa. Marami ang nawalan ng hanapbuhay bunga ng pagsasara ng mga negosyo. Naging mabigat na problema ng karamihan sa ating mga kababayan ang pagkukuhanan ng pang araw araw na pangangailangan, lalo na ng pagkain. Kaya naman sa video natin ngayong araw, kilalanin natin ang 5 rapper na palihim na tumutulong sa panahon ng pandemya.
OG Sacred
Sinuyod ni OG Sacred kasama ang grupo nyang Tondo Tribe at ilan pang mga hindi nagpakilalang kaibigan niya ang Kamaynilaan upang mamahagi ng konting tulong sa mga residente doon. Namigay sila sa ilang mga barangay ng mga food packs, kilo kilong isda na pang ulam, at mga sariwang gulay para sa mga frontliners.
Kial
Kasagsagan ng pagpasok ng pandemya, gamit ang motorsiklo ni Kial umikot siya sa mga kalye ng Maynila upang makapag abot ng food packs sa mga nangangailangan. Ayon kay Kial, mula sa donation box na inilapag nya sa kanyang tattoo studio at sa isang kaibigang nagpadala ng suporta ang nalikom nyang konting halaga na inilaan nya para dito. Mga bata naman ang naging bisita ni Kial sa kanyang birthday last year at siya mismo ang nagluto para sa mga ito.
Makagago
Kasama ang Xtreme House, namahagi si Mark Jayson o Makagago ng sako sakong bigas sa Maynila at sa Quezon City. Nakatanggap rin ng mga surgical masks at PPE ang mga frontliners sa Camp Crame mula kay MG. Nagbigay rin siya ng tulong pinansyal sa mga naapektuhan ng bagyo sa Marikina, Cagayan Valley at relief goods sa Bicol region. Bukod pa ang 3 brand new tricycle at isang pampasadang jeep na para sa mga nawalan ng ikinabubuhay. Nagpaabot rin ng konting relief goods si Makagago kay Jskeelz at sa mga kapwa inmates nito sa bilangguan.
Khen Magat
Isang public servant na rin ngayon ang fliptop mc na si Khen Magat sa hometown niyang Pasay. Mula sa kanyang sahod ay namahagi ng libo libong face shield si Khen at mga surgical mask sa mga frontliners. May ilang kabataan rin siyang nabiyayaan ng tablet para sa kanilang pag aaral. Nanguna rin si Khen sa pamimigay ng mga relief goods para sa mga nasunugan nito lang mga nakaraang buwan. Maging ang kanyang 13 month pay ay ginamit nya upang mamigay ng cash assistance para sa mga lubos na nangangailangan.
Loonie
Sa kabila ng mga kontrobersiya, hindi alam nang marami na isa ang rapper na si Loonie sa mga nangunang magbigay ng tulong sa mga tricycle driver na lubhang naapektuhan ang hanapbuhay. Ang kanyang Kapit Lang Relief Program ay namahagi ng food packs at sanitary items. Maging ang mga nasalanta ng Typhoon Rolly ay inabutan rin ng tulong ni Loonie kasama ang kapatid nyang si Idyll. At nitong taon lang ay ipinagdiwang nila ang birthday ng Daddy nila kasama ang mga naulilang mga bata sa Tahanan ng Pagmamahal sa Pasig City.