Ikalabing-dalawang anibersaryo ng pagpanaw ng Master Rapper na si Francis M., inalala ng Hip-hop fans
Labing-dalawang taon na mula nang pumanaw ang kinikilala nating Master Rapper na si Francis M., ngunit hanggang ngayon ay patuloy na nabubuhay ang kanyang legasiya sa musika. Wala na nga yatang hindi nakakakilala sa Master Rapper na hindi lang isang talented na host at dancer, kinilala rin ang husay niya sa pagme-merge ng iba’t ibang genre ng music sa mga kantang inilabas niya.
Sa paggunita ng anibersaryo ng pagpanaw ng The Man From Manila, may ilang mga rapper ang nagbigay pugay sa kanya sa pamamagitan ng tribute na mga kanta. May ilan pa ngang hiphop fans ang dumalaw sa puntod ni Francis M. Marami ring mga kilalang personalidad ang nagpost tungkol dito at nagpapahiwatig pa rin ng kalungkutan sa pagyao ni Kiko. Kabilang dito isa sa nakasama ng matagal niya sa noontime variety show na Eat Bulaga na si Michael V. Nagpost si Bitoy ng larawan ni Francis M na kuha noong huling performance niya sa Eat Bulaga. Lahat daw sila sa set ay umasa na babalik na si Kiko sa regular hosting matapos ang performance niya ngunit lahat daw umano sila ay nabigo.
Ilan sa mga kantang pinasikat ni Francis M ay ang Kaleidoscope World, Mga Kababayan Ko, Cold Summer Nights, Three Stars and a Sun, at marami pang iba. Si Kiko rin ay naging mahalagang impluwensiya ng ilang mga sikat na rapper tulad nina Andrew E, Gloc-9, Loonie, Bassilyo at Abra.